Requirements sa trabaho, gustong gawing libre para sa mga bagito

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 11:36 PM | Updated as of Aug 29 2017 01:15 AM

Isinusulong ng isang mambabatas na maging libre ang requirements na karaniwang hinihingi sa trabaho para sa mga fresh graduate o unang beses maghahanap ng trabaho.

Sa ilalim ng inihaing Senate Bill No. 1426 o ang "First-time Jobseekers Assistance Act" na ipinapanukala ni Senador Joel Villanueva, magiging libre na ang mga requirement sa mga bagitong manggagawa para maibsan ang kanilang gastusin at mahikayat ang mga Pilipino na maghanap ng trabaho.

Sakaling maisabatas, magiging libre na ang sumusunod na requirements sa trabaho:

  • Police clearance certificate
  • National Bureau of Investigation (NBI) clearance
  • Barangay clearance
  • Medical certificate
  • Birth and/or marriage certificate
  • Tax identification number
  • Community tax certificate
  • Certification of eligibility
  • Authentication and red ribbon of documents

Dagdag pa ni Villanueva, lumalabas na hindi bababa sa P1,000 ang kailangang gastusin ng isang job-seeker para lang makuha ang requirements ng trabaho. 

Ayon sa senador, tila pagkatapos ng pag-aaral, pahihirapanan naman ang mga bagong graduate sa paghahanap ng trabaho.

Bilang fresh graduate, ganito rin ang nararanasan ni Jeza Rodriguez. Aniya, iyong mga gastusin sa paghahanap ng trabaho ay ihihingi pa raw niya sa kaniyang mga magulang.

Pinaplantsa pa ng Senate committee on youth kung maituturing na "first-time jobseeker" iyong dati nang naka-graduate, pero hindi agad nag-apply ng trabaho.

Inihahanda na sa Setyembre ang technical working group para sa First-time Jobseekers Assistance Act bago ito ilatag sa plenaryo.


-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.