Pulis, sibilyan arestado dahil sa hindi lisensyadong baril, bala

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 06:05 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Arestado ang isang sibilyan at isang pulis matapos silang makitaan ng mga baril at bala sa Sitio Katundal, Barangay Lucbuan, Puerto Princesa City Linggo.

Kinilala ang pulis na si PO2 Romic Magbanua, 27 taong gulang at nakadestino sa Palawan Provincial Office. Kinilala naman ang sibilyan na kasama nito na si Bernie Nollan, 20 taong gulang at residente ng Narra, Palawan.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng report na may dalawang kahina-hinalang tao na paikot-ikot sa lugar, may dalang baril at nakasuot ng bonnet at face mask.

Agad na rumesponde ang mga pulis at nakumpirmang may dalang mga baril ang mga ito.

Nakumpiska sa kanila ang isang Colt Commando Enhanced M16-M4 rifle na may magazine na may walong bala, isang Armscor Caliber .45 na may limang bala, at isang caliber .38 revolver na may dalawang bala.

Nakumpirma rin ng pulisya na walang lisensiya ang mga baril na nakumpiska mula sa dalawa.

Iniimbestigahan na kung saan galing ang mga baril at kung ano ang motibo ng dalawa sa pagpunta sa Barangay Lucbuan.

Sinubukan ng news team na kuhanan ng pahayag ang dalawa ngunit tumanggi ang mga ito.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms ang dalawa, habang haharap din sa kasong administratibo si Magbanua.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.