Lalaking pinagtatanggol ang kaibigan sinaksak, binugbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 12:09 PM | Updated as of Aug 28 2017 12:39 PM

MANILA - Sugatan ang isang lalaki matapos saksakin at bugbugin ng nakaaway na magkapatid sa Pandacan, Maynila, Linggo ng gabi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakikipag-inuman ang suspek na si Belandro Bingay nang bumisita ang biktimang si Jonathan Ramil.

Nagkasagutan umano ang dalawa at humantong sa kalye ang kanilang pag-aaway.

Sinubok pigilan ng nanay ni Bingay ang anak pero maya-maya lang ay sinaksak na nito ang bisita.

Sabi naman ng pinsan ni Bingay na si Hernand Delos Reyes, siya ang dahilan ng sagutan ng dalawa.

Inihatid aniya siya ni Ramil sa kanilang bahay at doon inabutan ang suspek sa inuman sa bahay.

"Naikuwento ko sa kanya kung paano ako ginulpi ng pinsan ko minsan. Pinagtanggol niya ako sa pinsan ko," aniya.

Under observation ngayon sa Santa Ana Hospital si Ramil dahil sa mga sugat nitong tinamo sa kanyang likod.

Inaresto naman ng mga pulis si Bingay at ang kanyang kapatid na si Ferdinand, na sinuntok pa ang biktima matapos saksakin.

Mahaharap sa kasong frustrated murder si Bernaldo habang physical injury naman ang haharapin ni Ferdinand.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.