Higit kalahating milyong halaga ng shabu, nakumpiska sa Cebu

Edgar Escalante, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 12:03 AM

CEBU - Mahigit sa kalahating milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska sa joint buy-bust operation ng Talisay City Police at PNP Provincial Intelligence Branch sa Sitio Kilawan, Barangay Tangke, Talisay City Lunes ng hapon.

Target ng buy-bust ang mag-live-in partner na sina Neil Recuerdo at Mary Ann Cabanes. Nakatakas si Recuerdo at tanging si Cabanes lang ang nadakip ng mga operatiba.

Nakuha mula kay Cabanes ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na aabot sa 50 grams na nagkakahalaga ng P590,000.

Nakuha rin mula sa kanya ang dalawang wallet na nilagyan din ng maliliit na sachet ng shabu.

Ayon kay SPO2 Yvonne Illustrisimo, baguhan pa lang sa negosyo ng iligal na droga ang dalawa.

Isang mangingisda si Recuerdo na iniwan ang trabaho para umano magtulak ng droga.

Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.