Espenido itinangging siya ang humiling madestino sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 12:20 PM | Updated as of Aug 28 2017 11:44 PM

Chief Inspector Jovie Espenido. File photo

MAYNILA - Itinanggi ni Chief Inspector Jovie Espenido na siya ang humiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na malipat siya sa Iloilo matapos madestino sa Albuera, Leyte at Ozamiz City.

Giit pa ni Espenido, wala sa kanyang mga kamay ang desisyon sapagkat si Pangulong Duterte ang magsasabi kung saan siya ililipat na lugar.

Sinabi ng opisyal na paniguradong pagsugpo sa ilegal na droga ang problemang patututukan sa kanya ni Pangulong Duterte, gaya ng mga nakaraan niyang misyon.

Sa lalawigan ng Iloilo, may ilang alkaldeng kasama sa 'narco list' ni Duterte. Kabilang na rito sina Jed Mabiglog ng Iloilo City; Alex Centena ng Calinog, at Sigfredo Betita ng Carles.

Naging kontrobersiyal si Espenido matapos mapatay sa mga operasyon kontra ilegal na droga ang mga alkalde sa sa dalawang lugar kung saan siya nadestino.

Ang mga alkaldeng ito ay sina Rolando Espinosa at Reynaldo Parojinog. Si Espinosa ay napatay nang silbihan siya ng warrant sa loob ng piitan, habang sa bahay naman napatay si Parojinog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.