Duterte, kumain ng manok sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 08:13 PM | Updated as of Aug 28 2017 10:54 PM

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ang isang boodle fight sa Heroes Hall, San Fernando, Pampanga para patunayang ligtas pa ring kumain ng manok at ng iba pang poultry products.

Pinagsaluhan nina Duterte, dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ngayon ay Pampanga representative, Pampanga Governor Lilia Pineda at iba pang local officials kaninang tanghalian ang adobong balot at manok, lechong manok, pritong pugo, kalderetang bibi at nilagang itlog para patunayang ligtas kumain ng poultry products mula Central Luzon.

Humingi ng paumanhin ang Pangulo nang humarap sa mga poultry owner at raiser dahil sa naging epekto sa kanilang kabuhayan ng mga hakbang na isinagawa ng pamahalaan laban sa avian flu.
 
Sinabi rin ng Pangulo na wala siyang pag-aalinlangan sa katatagan ng mga Pampangueño sa gitna ng problema sa kabuhayan

Tapos na ang culling kung saan umabot sa 421,000 ang pinatay na mga manok sa San Luis, Pampanga, 70,000 sa San Isidro, Nueva Ecija at 100,000 sa Jaen, Nueva Ecija.

Ipinamahagi na rin ang financial assistance sa mga naapektuhang local government units, poultry owners at raisers. 

Mayroong tig-P20,000 at P5,000 na survival and recovery loan din ang ipinamigay.

Samantala, dahil tatlong buwang hindi maaaring bumalik sa poultry raising ang mga naapektuhan, at bumagsak din ang presyo ng farm gate ng broiler chicken mula P90 sa P15 kada kilo, humihingi pa ng dagdag na P100 million na tulong ang Department of Agriculture.

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, hindi pa nila tukoy kung gaano kalala ang naging pinsala ng bird flu sa kabuhayan ng mga taga-Pampanga at Nueva Ecija bagama't tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagtulong.

Humingi naman ang Pangulo ng panahon para makahanap ng dagdag na pondo.
    
Ayon din sa Pangulo, tatanungin niya kung mayroong pondo na puwedeng makuha mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation. 

Pinarangalan naman ang mga kawani ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na tumulong sa culling operations at pag-quarantine sa Pampanga at Nueva Ecija.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.