3 bagong laya, huli sa umano'y pagtutulak ng droga

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 06:54 PM | Updated as of Aug 28 2017 10:59 PM

Arestado ang tatlo umanong drug pusher sa isinagawang buy bust operation ng Philippine National Police-Intelligence Branch sa gitna ng isang sementeryo sa Los Baños, Laguna.

Kinilala ang tatlo na sina Mario Alvares alyas "Putol", kasintahan niyang si Joanna Javier, at si Dante Cruz na nagsusuplay umano ng droga.

Batay sa intel ng PNP, dalawang linggo nilang minonitor ang kilos at mga kahinahinalang transaksiyon ng tatlo.

Napag-alaman ng pulisya na madalas pala sila sa sementeryo dahil doon umano sila nakikipagtagpo sa mga parokyano.

Pagdating ng pulis, agad napadapa ang mga suspek at hindi na nagawang tumakas pa.

Limang sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng pulisya sa tatlo, na aabot sa P65,000 ang street value.

Ayon kay Senior Supt. Cecilio Ison Jr., provincial director ng Laguna PNP, bagong laya ang mga suspek na sinasabing may pinagkukunan ng droga sa Los Baños at Lumban.

Itinuturing na high value target ang mga suspek dahil sa laki ng halaga ng kanilang binebentang droga.

Ikinanta ng isa sa mga suspek ang isang "Liezel" na taga-Sta. Cruz at "Jess" na taga-Munti na umano'y pinagkukunan niya ng droga.

Kaya agad namang nagkasa ng follow-up operation ang pulisya sa Sta. Cruz, Laguna para hanapin ang itinuturong Liezel.

Doon nahuli si Liezel David habang nagbebenta ng droga pasado alas-11 ng gabi.

Nakumpiska sa kanya ang dalawang sachet ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P30,000.

Inaalam pa ng pulisya kung totoong nanggagaling sa Bilibid ang suplay ng mga suspek.

Depensa naman ng mga suspek, tumatambay lang sila sa sementeryo at nagkukuwentuhan nang mahuli. Nagbagong-buhay na raw sila.

Nakatakdang sampahan ng kasong pagbebenta ng ilegal na droga ang mga naaresto.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.