2 barangay kagawad ng Coron, timbog sa buy-bust

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2017 04:11 PM

PALAWAN - Dalawang kagawad ng barangay ang arestado sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Poblacion 6 sa bayan ng Coron, Palawan Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mga ito na sina Raniel Edonga Gacayan, 36 taong gulang at kagawad ng Barangay Poblacion 6, at si Jowin Abe Amit, 43 taong gulang at kagawad ng Barangay Poblacion 2.

Ayon sa pulisya, matagal na nilang minamanmanan ang mga ito ngunit naging mailap ang mga ito. Agad nilang ikinasa ang operasyon nang makakita sila ng pagkakataon.

Nakuha sa dalawa ang 9 na sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, 3 pirasong aluminum foil, isang digital weighing scale, P4,000 at isang maliit na sling bag.

Ayon kay Police Senior Inspector Starky Timbancaya, itinanggi ng 2 ang mga alegasyon sa kanila.

"Bagama't laging sinasabi na sila ay hindi involved diyan, ang sabi ko sa kanila ay pag-usapan at harapin na lang nila sa husgado 'yung mga pwedeng isampang kaso laban sa kanila," dagdag ni Timbancaya.

Mahaharap ang mga nahuling kagawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.