PatrolPH

Lolo sinaksak umano ang apo gamit ang kutsara

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2022 11:28 AM

Isang tama sa tiyan ang tinamo ng 30-anyos na lalaki matapos umano siyang saksakin ng kaniyang lolo sa Brgy. Centro 8, bayan ng Claveria, Cagayan Huwebes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Claveria Police Station, patulog na sana ang lasing na 67-anyos na lolo nang maingayan umano siya sa kantahan ng videoke ng kaniyang apo kaya nagdesisyon umanong puntahan at maki-bonding na lang.

Posible umanong napahiya ang lolo dahil saktong pinatay ang videoke dahil patapos na sa inuman ang kaniyang apo at mga kasamahan nito.

Sa galit, niyugyog umano ng lolo ang gate kaya nilapitan ng kanyang apo para kausapin.

Habang nag-uusap ay bigla na lang umanong sinaksak nito ang apo gamit ang isang improvised na patalim na kutsara.

Nasampahan na ng kasong frustrated homicide ang suspek.

— Ulat ni Dianne Dy

IBA PANG ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.