9 tiklo sa pagkulong umano sa Chinese sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2021 09:12 AM

MAYNILA—Nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group sa National Capital Region (CIDG NCR) ang 8 lalaking Chinese at isang Pilipina matapos sila arestuhin sa operasyon ng NCR regional field unit sa Parañaque City Huwebes ng gabi.

Ayon kay CIDG-NCR chief Col. Rogarth Campo, isinagawa rin ang operasyon para bawiin ang pickup truck na kinuha umano ng mga suspek.

Inireklamo ang grupo dahil sa umano'y pagkulong sa isang 29-anyos na Chinese.

Kuwento ng biktima sa mga pulis, pinosasan siya ng isa sa mga suspek dahil umano sa pagkakautang ng biktima.

Inagaw rin ang nirenta niyang pickup truck at dinala kasama niya sa isang bahay sa Multinational Village.

Pinakawalan siya kinabukasan, pero hindi ibinalik ang sasakyan hangga’t hindi niya nababayaran ang utang.

Lumapit ang biktima at ang may-ari ng nirentang truck sa CIDG.

Natunton ang sasakyan sa pamamagitan ng GPS at hinuli ang 2 Chinese na sakay nito.

Sunod namang pinuntahan ang bahay kung saan ikinulong ang biktima. 

Doon inaresto ang 6 pang Chinese at ang Pinay na karelasyon ng isa sa kanila.

Kinumpiska rin ang mga nakitang shotgun, 2 9mm na baril, mga bala, posas, at maging hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Hinala ng pulis, mga miyembro ng kidnapping group ang mga suspek na nambibiktima ng mga banyaga na sangkot sa online gaming. 

Bukod sa kasong serious illegal detention, nahaharap din ang grupo sa mga kasong carnapping, possession of illegal drugs, at illegal possession of firearms and ammunition.