Swiss national, 2 Pinoy, huli sa Parañaque drug bust

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2020 01:11 PM

Aabot sa P340,000 halaga ng hinihinalang ecstasy ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang lalaking Swiss national at 2 Pilipino sa buy-bust operation sa Parañaque City nitong Huwebes, sabi ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Kinilala ng mga awtoridad ang banyagang suspek bilang alyas "Thomas" habang ang kaniyang mga kasamahan naman ay sina alyas "Carlo" at "Raymond."

Ayon kay PDEA officer Jill Salamanca, higit 2 buwan nang sinusubaybayan ng ahensiya ang kilos ng grupo ni "Thomas" hanggang sa pumayag ang mga ito na makipagtransaksiyon sa may Barangay BF Homes nitong madaling araw ng Huwebes.

Ayon kay Salamanca, base sa kanilang imbestigasyon, supplier ng party drugs si "Thomas" sa mga lugar sa Makati, Parañaque, Pasay, at Taguig.

Maging ang mga estudyante mula sa mga sikat na unibersidad ay binebentahan din umano ng suspek ng ilegal na droga.

Nakuha sa mga suspek ang 200 piraso ng ecstasy, 2 cellphone, at 2 sasakyan, sabi ng mga awtoridad.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.