Problemado sa pag-ibig: Lalaki huli sa pangho-hostage sa inaanak

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2020 03:38 PM | Updated as of Aug 27 2020 08:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naaresto ngayong Huwebes ng mga awtoridad ang isang lalaki na umano ay nang-hostage sa kaniyang inaanak sa Las Piñas.

Inabot nang 3 oras ang pag-hostage ni alyas "Noy" sa 4 na taong gulang niyang inaanak sa may Barangay Talon Singko nitong umaga ng Huwebes.

Katuwang ng mga pulis sa pagkalma sa suspek ang ama ng bata, na kumpare ni "Noy."

Nang humingi ng tubig ang suspek, doon na nakakuha ng tiyempo ang mga pulis at sinunggaban si "Noy."

Mismong si Las Piñas police chief Col. Rodel Pastor ang tumayong negosyador at sumunggab sa suspek.

Bago ang hostage, matagal nang depressed ang suspek dahil sa isang babae, ani Pastor.

"Mayroon siyang sulat kasi... lumalabas doon sa sulat na nagkalabuan sila," ani Pastor.

"Kaya naman 'yong tatay ng biktima, nagmagandang loob para kuhanin siya, alagaan siya kasi nakita na medyo depressed," sabi ng hepe.

Nakuha sa suspek ang isang chopping knife at kitchen knife na ginamit sa pangho-hostage.

Nagtamo ng mga galos at na-trauma ang bata, na sasailalim sa debriefing.

Magkahalong awa at galit naman ang naramdaman ng ama ng biktima.

"Kinausap pa namin siya noong kinagabihan na tigilan mo na 'yong babae, magbagong buhay ka," anang ama ng biktima.

Humingi rin ng patawad si "Noy" sa ama ng bata.

Inihahanda na ang mga reklamong isasampa laban sa suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.