Bahagi ng Sto Niño Bridge sa Parañaque isasara nang 8 buwan

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2020 04:59 PM

MAYNILA — Simula ngayong Huwebes, sarado na ang southbound lane ng Sto. Nino Bridge sa Ninoy Aquino Avenue sa Parañaque City para sa rehabilitasyon na tatagal hanggang sa Abril ng susunod na taon. 

Ang naturang kalsada ang kadalasang dinadaanan mula at papunta sa Ninoy Aquino International Airport at ng mga mula Maynila papunta sa Sucat area. 

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) National Capital Region director Ador Canlas, layunin ng rehabilitasyon na patatagin ang matanda nang tulay.

Dahil kadalasang abala at mahalaga ang naturang tulay, magpapatupad na lang ng 2-way zipper lane sa northbound lane ng Sto. Nino Bridge. 

Ibig sabihin, magkabilaan na ang puwedeng dumaan sa dating northbound lane kaya asahan na ang mabigat na trapiko dahil sa mas masikip na daan. 

Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta kabilang ang Coastal Road, Quirino Avenue, at MIA Road para sa mga sasakyang bibiyahe ng southbound area.

Ang Multinational Avenue naman ang ipinapayong daanan para sa mga northbound vehicles.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.