Shabu narekober sa bilangguan sa South Cotabato

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 12:38 PM

Itinago sa loob ng tubo na ginawang sampayan ang maliliit na sachet ng hinihinalang shabu na narekober sa Selda 16 ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center. Larawan mula sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center

KORONADAL CITY - Umabot sa 15 sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga jailguard sa isinagawang Oplan Greyhound sa loob ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center kamakailan.

Nagsimula ang operasyon alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi noong Linggo.

Ayon sa warden na si Senior Supt. Felicito Gumapac, nakuha niya sa ilang inmates ang impormasyon na sa tubo na ginawang sampayan sa loob ng Selda 16 nakalagay ang mga droga.

Agad nila itong inaksyunan at nakumpirma ang report.

Bukod sa shabu, narekober din ang ilang mga cellphone at matutulis na bagay.

Nasa 118 inmates ang nasa Selda 16 pero tatlo sa kanila ang natukoy na nagtago ng ilegal na droga.

Nakahiwalay na sa ibang inmates ang tatlo dahil sa ginawang paglabag.

Nakatakdang magsagawa ng drug test sa mga inmate ng Selda 16 ang awtoridad sa mga susunod na araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.