Mga lalawigan naghahanda na sa paglapit ni 'Jenny'

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 06:48 PM | Updated as of Aug 27 2019 08:52 PM

Tinali na ang bubungan ng ilang bahay sa Laoag City, na ngayon pa lang bumabangon sa naging hagupit ng bagyong Ineng. Screengrab

Sa paglapit ng bagyong Jenny sa mga lalawigan, naghahanda na ang residente at awtoridad sa mga probinsiya para makaiwas sa mga sakunang posibleng dalhin ng masamang panahon. 

Aabot sa 20 pamilya ang pinalilikas sa Itogon, Benguet, kung saan malaking bahagi ng bundok ang gumuho nang manalasa ang bagyong Ompong noong 2018 at nasawi ang nasa 100 residente. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Maagang nag-ikot ang mga pulis para paalahanan ang mga residente tungkol sa preemptive evacuation, lalo na sa mga lugar na madaling maapektuhan ng landslide. 

"Pinare-remind namin 'yung mga tao na kung puwede humanap sila ng safe na areas na pupuntahan kasi regarding dito sa typhoon na paparating," ani Police Capt. Peter Camsol ng Itogon police. 

Samantala, nangangamba ang ilang residente ng Laoag City sa pagpasok ng bagyong Jenny lalo’t hindi pa raw sila nakakabangon sa pananalasa ng bagyong Ineng nitong nagdaang weekend. 

Itinali na ng ilang residente ang mga bubungan nila para hindi ito liparin ng malakas na hangin sa paglapit ni Jenny. 

Suspendido na ang flight ng mga maliiit na eroplanong patungo ng Palanan at Maconacon, Isabela, dahilan para manatili sa paliparan ang mga pasahero. 

Kinansela na rin ang klase sa Isabela, Cagayan, at Quirino dahil sa bagyo. 

Sa Dagupan, dumidiskarte ang mga tindera sa namumurong baha sa mg palengke para hindi mabasa ang kanilang paninda at maiwasan ng mga tinderang magkaroon ng leptospirosis. 

"Nagpa-plastic na lang (kami) sa paa tapos bota saka libre po 'yung gamot na ibinibigay nila," anang tindera na si Catherine Minor.

Batay sa tala ng Dagupan City Health Office, lima na ang positibong kaso ng leptospirosis kung saan dalawa na ang namatay. 

May mga naghahanda na ring lumikas sa Calasiao, Pangasinan, na lubog pa rin sa baha ang ilang bahay dahil sa hagupit ng habagat noong mga nakaraang linggo na sinabayan ng high tide. 

Na-stranded naman ang daan-daang pasahero sa Tabaco Port sa Albay na tatawid sana sa isla ng Catanduanes. 

Isa sa mga na-stranded si Gloria Jamora na mahigit 50 taon nang hindi nakakauwi ng isla. Pangamba niya na kapusin siya ng budget kung matagalan pa siya sa pier. 

Nagbigay naman ang pamunuan ng pier ng mga pagkain sa mga stranded.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaaahon na rin ang mga surfer sa Sabang Beach sa Baler, Aurora dahil sa paparating na bagyo, na magla-landfall sa probinsiya. 

Direkta kasing sasagasaan ng bagyo ang Aurora bandang alas-9 ng gabi ng Martes. 

Nagsagawa na rin ng emergency meeting ang mga taga-Aurora para mapaghandaan ang bagyo. Pinaaayos na rin ang mga kagamitan para sa clearing operations sakaling may landslide. 

Ipapakalat na rin ang mga checkpoint para pigilan ang mga tao na pumalaot sa dagat. 

Watch more in iWant or TFC.tv

LANDFALL NALALAPIT 

Ayon sa 5 P.M. weather advisory ng state weather bureau PAGASA, taglay ni Jenny ang lakas ng hanging 65 kilometro kada oras (kilometer per hour o kph) at pagbugsong 80 kph. 

Magmula nitong alas-5 ng hapon, namataan ang mata ng bagyo 290 kilometro silangan ng Infanta, Quezon at gumagalaw ito sa direksiyong pakanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 35 kph. 

Inaasahang magla-landfall si Jenny sa Aurora bandang alas-9 ng gabi ng Martes at ala-1 ng madaling araw ng Miyerkoles, ayon sa PAGASA. 

Nakataas ang signal no. 2, na maaaring matamaan ng mabigat na ulan at hanging taglay na 120 kph, sa mga probinsiya ng Isabela, Quirino, Aurora, Nueva Vizcaya, Ifugao, at Mountain Province 

Nakataas naman ang signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar: 

- Cagayan
- Apayao
- Abra
- Kalinga
- Benguet
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
- Pangasinan
- Nueva Ecija
- Tarlac
- Zambales
- Bataan
- Pampanga
- Bulacan
- Metro Manila
- Rizal
- hilagang bahagi ng Quezon, kasama ang Polillo Islands at Alabat Island
- Cavite
- Laguna
- Camarines Norte
- hilagang-silangang bahagi ng Camarines Sur
- Catanduanes

Inaasahan na sa Huwebes, Agosto 29, aalis sa Philippine area of responsibility si Jenny. 

-- May ulat nina Micaella Ilao, Jose Carretero, Kim Atienza, Jorge Cariño, Darlene Gemino, at Grace Alba, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.