Klase sa Tanjay, Negros Oriental kinansela dahil sa banta ng NPA

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2019 02:52 AM | Updated as of Aug 27 2019 09:51 AM

NEGROS ORIENTAL—Kinansela ng Department of Education (DepEd) ang klase mula preschool hanggang senior high school sa Tanjay City, Negros Oriental nitong Martes, Agosto 27 dahil sa bantang pag-atake umano ng New People's Army (NPA).

Ayon kay Division Superintendent Dexter Aguilar ng Tanjay City, nakatanggap sila ng text message sa umano'y planong pag-atake ng mga miyembro ng NPA sa 2 paaralan sa lungsod.

Napagdesisyunan ng lokal na pamahalaan na ipagpaliban muna ang pagpasok ng mga mag-aaral habang inaalam kung saan nanggaling ang text message, dagdag ni Aguilar.

Samantala, isang kawani rin ng DepEd ang nag-report Lunes ng gabi sa Tanjay police na may kinalaman sa bomb threat sa isang paaralan.

Agad itong inimbestigahan ng mga pulis pero wala silang nakitang anumang pampasabog. Nakaalerto ngayon ang pulisya sa lugar.—Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.