PatrolPH

Tumakas na preso sa Cavite, patay matapos 'manlaban'

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2018 08:43 AM

BACOOR, Cavite - Patay ang isang pumugang preso matapos umanong manlaban sa mga pulis sa bayan na ito, Linggo.

May kasong kaugnay sa ilegal na droga ang suspek na si Marcelo Ruiz. Kabilang siya sa mga tumakas mula sa Bacoor Custodial Center nitong Hulyo, ayon sa pulisya.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagtatago si Ruiz sa Barangay San Nicolas 3, kung saan umano siya bumalik sa pagtutulak ng droga, sabi ni Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police.

Nang matunton ng mga operatiba, tumanggi aniya ang suspek na sumuko at sa halip ay nakipaghabulan at nakipagbarilan sa mga pulis, dahilan para gumanti ang mga ito at mapatay siya.

Si Ruiz ang ikalawang napatay mula sa mga tumakas na preso noong nakaraang buwan. Apat pang pumugang inmate ang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.