Mga manggagawa nagprotesta sa Araw ng mga Bayani

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2018 09:24 PM | Updated as of Feb 13 2020 12:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsagawa ng kilos-protesta nitong Lunes ang ilang grupo bilang paggunita sa Araw ng mga Bayani para kondenahin ang mga "pasakit" anila sa mga manggagawa. 

"Ginugutom na tayo sa TRAIN law at tumataas ang presyo, walang ginagawa, patuloy pa rin ang kontraktuwalisasyon at ang mga manggagawa ay ginagawang kriminal," sabi ni Atty. Luke Espiritu, pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bilang pagpapakita ng protesta ay sinira ng grupo ang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte habang nagmamartsa patungong Mendiola. 

Nais ng grupo na magkaroon ng umento sa sahod at gawing regular ang mga manggagawa sa kanilang mga trabaho.

Gusto rin nila na kilalanin ang mga karapatan at bigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa.

Isinusulong din ang sosyalismo bilang alternatibo anila sa panukalang pederalismo.

"Kung ang sinasabi ni Duterte ay ang alternatibo niya para gumagaan ang buhay ng mga mamamayang Pilipino at manggagawang Pilipino ay pederalismo, 'yan ay huwad," ani Espiritu.

"Siguro simula ngayon panahon na rin na pag-usapan ang tunay na alternatibo at 'yan 'yong sosyalismo," dagdag niya.

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.