Duterte, dinepensahan ang pagpili kay De Castro bilang chief justice

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2018 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumepensa si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes sa pagpili kay Teresita Leonardo-De Castro bilang bagong punong mahistrado ng Korte Suprema.

Ayon sa Pangulo, ang pagtalaga niya kay De Castro ay nakabatay sa seniority at sumusunod lamang aniya siya sa tradisyon ng pagpili base sa merito. 

"Kung sino'ng naunang pumasok, siya 'yong unang ma-promote, and that would go for everybody," saad ni Duterte.

Si De Castro, 69, ang pinaka-senior sa lahat ng nominado para sa posisyon.

Giit pa ng Presidente, walang halong politika ang appointment ni De Castro dahil wala aniya siyang personal na mga kakilala sa mga nominado.

"I am not familiar with any of them actually, wala akong kakilalang justice na 'yong personal. Truthfully, I have not talked to anyone there," ani Duterte.

HIGIT ISANG BUWANG CHIEF JUSTICE

Sa darating na Oktubre 8 ay nakatakdang magretiro si De Castro kung kaya't kinukuwestiyon ng isang grupo ang pagtatalaga rito.

"Why select someone for 41 days even if she is the most competent?" saad ni Atty. Neri Colmenares, pinuno ng National Union of People's Lawyers.

Sa Martes ay magsisimula ang higit isang buwang paninilbihan ni De Castro bilang bagong punong mahistrado.

Kabilang sa mga gagawin niya ay ang pag-upo bilang presiding officer sa oral arguments tungkol sa mga petisyon kontra sa pag-atras ng Pilipinas mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon sa dating Solicitor General na si Florin Hilbay, tingnan aniyang mabuti ang kilos ni De Castro dahil may direktang epekto sa Pangulo ang mga magiging desisyon ng Korte Suprema.

"She can influence the direction of the oral arguments with the nature, the tone of her questions," ani Hilbay.

Kasalukuyang nagsasagawa ng paunang pagbusisi ang ICC sa mga reklamo laban kay Duterte kaugnay sa mga nasawi sa ilalim ng kampanya kontra droga.

— Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.