Pulis, patay sa pamamaril sa Muntinlupa

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 09:04 AM | Updated as of Aug 27 2017 11:14 PM

MANILA - Patay ang isang opisyal ng pulisya matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Poblacion sa Muntinlupa City.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan si Police Inspector Ernesto Vega Eco, 39 anyos, ng Country Homes Subdivision, Brgy. Putatan, Muntinlupa.

Lumilitaw na minamaneho ng biktima ang kanyang sasakyan sa National Road nang itoy tabihan ng riding-in-tandem.

Sinasabing matrapik sa lugar kaya halos nakahinto sa daan ang mga sasakyan.

Kinatok umano ng mga salarin ang sasakyan ni Eco at ng buksan nito ang bintana, binaril agad ito.

Ayon sa isang saksi, nakarinig siya ng 5 putok.

Ayon pa sa saksi, naka-helmet ang mga suspek pero base sa hugis ng katawan, ay tila babae ang isa sa mga ito.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.