Panukalang 'compressed work week', lusot sa Kamara; pero giit ng isang grupo, dehado ang manggagawa

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 04:08 PM | Updated as of Aug 27 2017 11:42 PM

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagtatakda ng "compressed work week" o mas pinaikling bilang ng araw ng trabaho kada linggo para sa mga manggagawa.

Sa ilalim ng House Bill No. 6152, hahaba ang oras ng trabaho kada araw, pero kapalit naman nito'y mas mababa sa 6 na araw kada linggo ang ipapasok ng manggagawa.

Inaamyendahan ng panukala ang umiiral na labor code.

Kapag nagkataon, maaaring lumagpas sa walong oras kada araw ang trabaho ng manggagawang sumusunod sa compressed work week. Pero hindi pa rin dapat lumagpas ng 48 oras kada linggo ang ipapasok ng isang manggagawang may compressed work week.

Itinatakda rin ng panukalang batas ang oras ng trabaho para sa mga doctor, nurse, at iba pang tauhan sa mga pampublikong ospital, pati na social workers sa bawat munisipalidad o lungsod. Maaari silang pumasok pa rin ng walong oras kada araw at limang araw kada linggo, maliban na lamang kung kailanganin ng kanilang komunidad na palawigin pa ang kanilang oras sa serbisyo.

Inilatag din sa panukalang batas ang bayad para sa overtime pati na ang karapatan ng manggagawa sa lingguhang rest day.

Ayon sa isa sa mga kongresistang nasa likod ng panukala, mas mapagbubuti ng compressed work week ang 'work-life balance' ng mga empleyado.

Pero hindi pa man ganap na batas, umangal na ang isang party-list sa umano'y masamang epekto ng compressed work week sa mga manggagawa.

Ayon kay "Gabriela Women's Party" Representative Emmi De Jesus, lalong darami ang mga insidente ng "Endo" o "end of contract" para sa mga manggagawa.

Paiigtingin din aniya ng panukalang batas ang kontraktuwalisasyon at makaaapekto rin sa take-home pay ng mga trabahador.

Kapag nagkataon daw kasi, mas magkakaroon ng dahilan ang mga kompanya na kumuha ng mga kontraktuwal na manggagawa para matiyak na tuloy-tuloy ang trabaho kahit umiiral ang compressed work week.

Ganito nga raw ang sistema sa ilang kompanya sa economic zones.

Matatapyasan din ang kita at benepisyo ng mga manggagawa dahil nakabase iyon sa bilang ng araw na kanilang ipinapasok sa trabaho.

Giit pa ni De Jesus, makasasama sa kalusugan ng manggagawa ang trabahong hihigit sa walong oras kada araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.