Mga cellphone, patalim, nakumpiska sa Pangasinan prov'l jail

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 07:03 PM

PANGASINAN - Nakumpiska ng awtoridad ang mga cellphone at iba't ibang uri ng patalim sa isinagawang inspeksiyon sa Pangasinan Provincial Jail Biyernes ng umaga.

Isa-isang pinalabas ang mahigit 600 inmate upang inspeksiyunin ang mga gamit sa loob ng piitan.

Nakumpiska ng pulisya ang ilang mga cellphone, charger, mga improvised deadly weapon tulad ng mga kutsara at tinidor na kasingtalim ng kutsilyo, martilyo, mga tubo at bakal, at lagari mula sa mga preso.

Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone sa loob ng piitan ngunit may mga ilang nakakalusot pa rin, kaya't mas hihigpitan umano ang pagiinspeksiyon ng mga jail guard.

"Marami pa ring malikot ang isipan at gumagawa ng mga deadly weapon. Bawal 'yun kasi ayaw nating magkasakitan sila sa loob... Pati 'yung cellphone hindi pwede kasi pwedeng gamitin 'yan sa mga transaction nila sa labas," ani warden Ferdinand Natividad.

Sang-ayon naman sa isinagawang "Oplan Galugad" ang mga inmate.

Dagdag pa ni Natividad, ito na ang ikalawang inspeksiyon na isinagawa sa Pangasinan Provincial Jail ngayong taon.

Wala namang nakuhang ilegal na droga at baril sa loob ng kulungan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.