Lalaki patay sa pamamaril sa Rodriguez, Rizal

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 08:17 AM

 

MANILA - Patay ang 24 anyos na si Errol Cortez matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Rodriguez, Rizal kagabi.

Kwento ng isang nakakita sa pangyayari, nakatambay sa gilid ng kalsada sa Sitio Harangan sa boundary ng Brgy San Isidro at Brgy. Macabud si Cortez bandang 9:00 kagabi.

Tatlong truck daw ang nakaparada malapit sa tinatambayan ni Cortez. Maya-maya, bumaba umano ang driver at pahinante ng isa sa mga truck, na may dala-dalang itak pero agad din bumalik sa sasakyan ang dalawa.

Pero ilang sandali pa, muli umano silang bumaba at nakipagsuntukan kay Cortez. Nakarinig din ang testigo ng putok ng baril.

Isinugod pa sa Brgy. Kasiglahan Infirmary si Cortez pero binawian din ito ng buhay. Blangko pa ang mga residente sa motibo sa pagpatay.

Agad namang rumesponde ang isang barangay kagawad at isang tanod ng Brgy. Macabud sakay ng isang motorsiklo.

Pero habang hinahabol ng dalawa ang mga suspek, nakasalubong nila ang mga pulis. Binaril ng isa sa mga pulis si Kagawad Nelson Beliza.

Ayon kay Supt. Hector Grijaldo, hepe ng Rodriguez PNP, posibleng napagkamalan ni PO1 Christopher Linco na suspek ang kagawad.

Dinala na sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.