Lalaki binaril sa labas ng resort sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 05:42 PM

ILOCOS NORTE – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lalaki sa mismong harap ng gate ng kanyang binabantayang beach resort sa Barangay Nalvo sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Crisencio Wisco, 57 taong gulang at residente ng Barangay Susugaen sa nasabi ring bayan.

Ayon sa deputy chief ng Pasuquin Police Station na si Inspector Chris Anthony Sorsano, galing sa isang birthday party si Wisco at nang pauwi na siya gamit ang kanyang kurung-kurong o "open tricycle" sa tinutuluyan at binabantayang resort ay pinagbabaril na lamang ito ng mga hindi pa nakikilalang lalaki na umano’y nakasakay ng motorsiklo.

"Yung tinanong namin ‘yung kapwa caretaker which is noong nakarining ng putok, nagtago ito, hindi na lumabas pero motor daw ‘yung narinig niya, di umano,"ani Sorsano.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na naipasok na ng biktima ang kanyang tricycle ilang metro mula sa gate pero posibleng may tumawag sa kanya kaya siya ay lumabas muli at dito na simanantala ng mga suspek ang pamamaril sa kanya.

"Papasok na siguro siya ng gate, tinawag noong mga possible gunmen niya palabas tapos doon na binaril kasi nasa 5 meters away siya doon sa motor niya na medyo nakapasok na sa loob ng gate. Pero siya, nasa labas ng gate at nakabulagta. Wala namang signs na hinila, parang iniwan na lang doon," paliwanag ni Sorsano.

Caliber .45 ang ginamit na baril sa pagpatay sa biktima. Nagtamo ng anim na tama ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima, kabilang na ang isang tama sa may ibabang bahagi ng kaniyang kanang mata. 

Sumuko nitong Mayo sa pulisya ang biktima dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga na ito ngayon ang pangunahing anggulong pinag-aaralan ng mga pulis kaugnay sa pagpatay sa biktima.

Ayon sa pamilya, wala naman silang alam na kagalit o nakwe-kwentong banta sa buhay ng napaslang nilang kapamilya. 

Agarang hustisya ang hiling ng pamilya.

Ang resort na binabantayan ng biktima ay pagmamay-ari ng isa sa kanyang mga kapatid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.