Dalawa sugatan sa karambola sa Maynila

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 08:15 AM

MANILA - Dalawa ang sugatan matapos magkarambola ang 5 sasakyan sa southbound lane ng Nagtahan bridge corner Jesus St. sa Maynila.

Kinilala ang mga biktima na sina Randy Limbiado at Gary Galido, pahinante ng asul na truck na umano'y sanhi ng aksidente.

Ayon kay Michael Bernardo ng Manila Traffic and Parking Bureau, nawalan ng preno ang naturang truck na minamaneho ng isang Allan Banticel, habang binabagtas nito ang Nagtahan Bridge.

Agad itong sumalpok sa silver na truck na may plakang ACO 3575 na bumangga rin sa dalawang taxi at isang puting kotse.

Sa lakas ng pagkakatama, tumilapon palabas ng windshield ang pahinante ng truck na si Limbiado dahilan para magtamo ito ng sugat sa ulo, braso at binti.

Nagkaroon naman ng minor injuries ang kasama niya na si Galido. Agad namang itinakbo ang dalawa sa Jose Reyes Medical Center para malapatan ng lunas.

Wala namang ibang nasugatan, habang patuloy namang iniimbestigahan ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.