Babaeng hinihinalang tulak ng droga timbog sa buy-bust sa Cubao

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 08:20 AM

MANILA- Timbog ang isang babaeng staff ng Barangay San Martin De Porres sa Cubao, Quezon City sa isang buy-bust operation ng pulisya Sabado ng gabi.

Halos dalawang linggo na umanong binabantayan ng pulisya ang suspek na si Cecille Tupaz na nagbebenta diumano ng iligal na droga, ani Police Supt. Luis Benhie Tremor.

Ayon kay Tremor, dati nang nagsagawa ng oprasyon ang pulisya ngunit nakatakas si Tupaz na nakumpirma ng kanilang informant na patuloy pa rin sa pagbebenta ng iligal na droga.

Itinanggi naman ng suspek na nagbebenta siya ng droga at sinabing napag-utusan lamang siya na iabot ito.

Nakuha mula kay Tupaz ang 2 pakete ng hinihinalang shabu, P1,700 na buy-bust money, cellphone, at drug money na nagkakahalagang P2,700.

Kinumpirma naman ni Kagawad Gaspar Dingaban na staff nga ng kanilang barangay si Tupaz. Ikinagulat din daw niya ang pagkakahuli sa suspek dahil hindi naman sila nagkulang ng paalala sa mga empleyado ng barangay ukol sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Maaaring maharap si Tupaz sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.