MAYNILA — Tuloy pa rin ang banta ng protesta at mass resignation ng mga health worker dahil nakikita nilang hindi pa rin mababayaran lahat ng hinahabol nilang benepisyo sa itinakda nilang ultimatum sa gobyerno.
Pero bago pa nito, umamin ang St. Luke's Medical Center na problemado sila dahil marami silang tauhan na nagbitiw na rin.
"From an original 66 nurses in the emergency room in Global, we are now down with only 43... The reason for that is resignations, madaming pumunta na sa ibang bansa," ani Dr. Benjamin Campomanes, chief medical officer ng pagamutan.
Ayon sa St. Luke's Medical Center Employees Association, mala-suicide mission ngayon ang trabaho sa mga ospital dahil mataas ang peligro at apaw ang trabaho, pero kulang sa benepisyo.
Nabigyan man ng special risk allowance (SRA) ang mga assigned sa COVID-19 wards, wala naman nito ang ibang manggagawa. Hindi pa rin nila nakuha ang meal, accommodation at transportation (MAT) allowance na ipinangako rin sa Bayanihan 2.
Ayon naman kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, naipamahagi na sa mga regional office ang P311 million na para sa SRA ng mahigit 20,000 health workers at inaayos na ang pag-download sa mga public at private hospitals.
Pero dahil palaging SRA lang ang tinatalakay ng DOH, ramdam na ng mga health worker na hindi pa mababayaran ang iba pang benepisyo na ipinangako sa kanila.
Paalala ng mga health worker ng Philippine General Hospital, may utang din sa kanilang active hazard duty pay na dapat ay hiwalay pa sa hazard pay na karapatan nila sa batas.
Isang pagkilos na rin ang inihahanda ng ilang grupo sa susunod na linggo para igiit sa pamahalaan na ibigay lahat ng benepisyo.
—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.