PatrolPH

240 trabahador na ni-lockdown at 'no-work, no-pay' nagpapasaklolo

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2021 08:12 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nagpapasaklolo ang nasa 240 construction workers na kasalukuyang ni-lockdown ng kanilang employer matapos ma-expose sa ilang kasamahang nagpositibo sa COVID-19.

Nagsagawa ng re-swabbing ang mga tauhan ng Quezon City epidemiology and surveillance unit at lumabas sa antigen test na 30 pa sa kanila ay positibo sa sakit. 

Ang hinaing ng mga trabahador, ikinulong sila doon nang 'no-work, no-pay' gayong sinusustentuhan nila ang kanilang mga pamilya.

Nang dumating ang ilang volunteer groups at abogado, hindi na napigilan ng mga manggagawa na isambulat ang umano'y mga kalabisan ng employer nilang Millennium Erectors Corporation.

"Mahirap na sinisiksik ang 240 doon. Pagbabalewala 'yan ng protocol. Nagsisiksikan sa 5 CR ang 240 na manggagawa," sabi ni Aaron Pedroza, abogadong ng isang labor group. 

Ang isang parish priest sa QC, kasama ang mga purok leaders, nagdala ng mga bigas, de-lata, at mga lutong pagkain para sa mga trabahador.

Nauna nang sinabi ng DOLE na kung maipit sa lockdown ang mga manggagawa, dapat ay makatanggap sila ng suweldo.

Pero ang Millennium Erectors Corporation, nagmatigas at sinabing wala pa raw memo na nagsasabing dapat pasahurin ang ni-lockdown nilang mga construction worker.

"As per safety manager [namin], hangga't wala pang memo na lumalabas na ngayong pandemic na ang mga na-lockdown na workers ay sasahod, pag meron na po susunod kami," ani Renren Domingo, kinatawan ng kompanya. 

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.