'Marami pang pangarap': Mga namatayan sa Sulu blast lubos ang pagdadalamhati

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2020 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nakaburol na sa bahay ng kaniyang pamilya sa Polomolok ang mga labi ni 28 anyos na si Pvt. John Agustin, isa sa mga sundalong nasawi sa magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu noong Agosto 24. 

Natanggap ng mga kaanak ang nangyari sa bunsong kapatid sa gabi nang mangyari ang insidente. 

Balita ito na alam niyang hindi matatanggap ng kaniyang mga magulang. 

Nobyembre 2019 nang maging sundalo ang kapatid, sa kabila ng pagtutol ng mga magulang. 

“Sigurado na namin na wala na. ‘Yung problema na lang namin paano namin sabihin sa magulang namin. kasi may sakit. ‘Yung tatay namin labas-pasok pa sa ospital,” ani Virginette Jickain, ate ni Agustin. 

Pero kalauna’y natanggap ng mga magulang ang malungkot na balita. 

Natuloy sa pagsusundalo si Agustin at sa Sulu agad na-destino. 

Si Agustin ang sinasabing humabol sa salarin ng ikalawang pagsabog kaya napatay ito. 

Mga papuri sa kabayanihan ng anak ang nababasa nila. Pero matamis man ito, mas gusto sana nilang umuwi nang buhay ang anak. 

Nakaburol na rin sa Mlang, Cotabato ang labi ng 21 anyos na si Pvt. James Apolinario na namatay rin sa pambobomba. 

Unang assignment ni Apolinario sa Jolo, at siyam na buwan pa lamang siya sa serbisyo. 

May sorpresa sana si Apolinario sa mga magulang, pero sa halip, sila ang nasorpresa sa pagpanaw ng sundalo. 
“Sabi niya papadala ko passbook ko tapos sabi niya withdraw kayo na tama lang sa presyo ng multicab,” ani Tessie, ina ni James. 

“Marami pa siyang pangarap sa mga kapatid niya ang sabi niya mang magbili kayo ng raw lot para kapag magaral mga kapatid niya mayroon silang matirahan malapit sa palengke,” dagdag naman ng kaniyang ama na si Edwin. 

Hindi naman matigil sa pag-iyak ang nobya ni James na si Chareyl Pasion umaasang uuwi ito at magsisimulang mag-plano para sa kanilang kinabukasan. 

“Lagi siya tumatawag sinasabi niya na cha mag ingat ka diyan sinasabi ko bakit ako ang mag-iingat dapat ikaw ang mag-ingat diyan,” ani Pasion. 

Pinarangalan naman ng Western Mindanao Command ang mga sundalo na kabilang sa 20 nasugatan sa dalawang pagsabog.

Nagpaabot na rin ng tulong ang WesMinCom sa pamilya ng mga napatay na sundalo.

—Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.