Ilang PhilHealth members may agam-agam sa pagbabayad ng kontribusyon dahil sa anomalya sa ahensiya

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2020 01:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Malaki ang epekto ng kasalukuyang kinakaharap na problema ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pagbabayad ng kontribusyon ng mga miyembro.

Ayon Rey Balena, senior manager ng corporate communications ng PhilHealth, naapektuhan na ang koleksiyon ng PhilHealth dahil sa kasalukuyang pandemyang dulot ng COVID-19.

“Ito pong mga usapin sa kasalukuyang may nababasa kami na mga post sa social media na may mga miyembrong ayaw nang magbayad,” pahayag ni Balena.

Nabalot sa kontrobersiya ang PhilHealth matapos ang alegasyon na ibinulsa ng “mafia” sa loob ng korporasyon ang P15 bilyon pondo.

“Itong kasalukuyang mga nangyayari, ito po ay sa ikatatama at ikabubuti ng pangkabuuang program,” sabi ni Balena patungkol sa mga imbestigasyon sa PhilHealth ng mga mambabatas at ibang ahensya ng pamahalaan.

Hinimok naman ni Balena ang lahat ng mga miyemrbo na ipagpatuloy ang pagbabayad ng kontribusyon para sa pagpapatuloy ng mga program at para sa kanilang medikal na pangangailangan.

“Ako po, personal na naniniwala na may epekto ito dahil may ilang mga miyembro na nagkakaroon ng agam-agam. Pero, ang patuloy nating panawagan ay 'wag naman po sanang itigil ang pagbabayad ng kontribusyon kasi nga po, kung walang magbabayad ng kontribusyon, hindi rin po mapapatakbo yung programa, wala rin po tayong gagamitin para po sa pangangailangng medikal ng ating mga miyembro,” sabi niya.

Muling ipinaliwanag naman ni Balena na hindi dapat tanggihan ng mga ospital ang mga miyembro na kulang ang kontribusyon sa PhilHealth.

“Yan na po ang garantiya ng UHC (Universal Health Care). Hindi pinag-uusapan kung may kulang sa bayad o kumpleto sa bayad,” sabi niya.