Nagpaparada lamang ang biktima ng motorsiklo nang tambangan. Ayon sa mga katrabaho ni barangay kagawad Remar Caballero, lumalaban ang biktima kontra droga at katiwalian sa barangay. Larawan mula sa Batangas City Police Office
BATANGAS CITY - Katarungan ang panawagan ng pamilya at katrabaho ng pinatay na kagawad ng Barangay Wawa na si Remar Caballero.
Nagpupuyos sa galit si Catherine Caballero sa pumatay sa kaniyang asawa.
“Sobra po ang ginawa sa kaniya. Hindi po talaga siya binuhay. Brutal ang ginawa. Brutal ang ginawa sa asawa ko. Walang awa,” sabi ni Catherine.
Ayon kay Catherine, hindi lamang responsableng haligi ng tahanan ang asawa, kundi masipag din sa kaniyang tungkulin sa barangay.
“Kahit po siya ay puyat na, pagod, siya po ay tuloy pa. Kahit madalimg araw dumating ay magigising sa umaga, bumabangon po siya para makapagsilbi,” sabi niya.
Gabi ng Lunes nang pagbabarilin ang biktima habang nagpaparada ng motorsiklo sa labas ng basketball court.
Unang termino pa lamang bilang kagawad ng 38-anyos na biktima.
Ayon sa mga katrabaho niyo sa barangay, masipag at maasahang kagawad ang biktima kaya malaking kawalan umano siya para sa kanila.
Dagdag naman ni barangay volunteer Guiller Atienza, lumalaban sa droga at katiwalian ang biktima.
May mga natatanggap na umanong banta sa buhay ang biktima.
Naniniwala naman ang Batangas City Police na may kaugnayan ang krimen sa aktibong partisipasyon ng biktima sa kampanya kontra droga nila.
May persons of interest na umano ang pulisya sa pagpatay kay Caballero.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Batangas City crime, Barangay Kagawad, Batangas City, pananambang, Tagalog news, Regional news