Hustisya, apela ng grupo ng nurses para sa kasamang namatay sa hit-and-run

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2020 12:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagpahayag ng pakikiramay ang Filipino Nurses United (FNU) sa mga naulila ng 23-anyos na nurse na si Renz Perez na nasawi matapos maging biktima ng hit-and-run sa Maynila noong Linggo ng gabi. 

Ayon sa ulat, isang itim na pick-up truck ang nakaaksidente kay Perez sa Padre Burgos kanto ng Maria Orosa Street, na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay. 

Hustisya ang sigaw ng FNU para sa kanilang kabarong frontliner.

Ayon kay Nurse Jocelyn Andamo, sectary general ng FNU, dapat mabigyang hustisya ang pagkamatay ni Perez.

Isa si Perez sa maraming medical frontliners na pinipilit pumasok sa trabaho kahit na nakabisekleta lang para mag-alaga ng mga pasyente sa panahon ng pandemya.

Sinabi ni Andamo na isa lamang ang isyu ng kawalan ng sapat na transportasyon sa problema ng kagaya nilang mga frontliners sa gitna ng pandemic. 

Hindi umano ang kaso ni Perez ang unang insidente kung saan may nasawi habang nagbibisekleta galing at papasok sa trabaho. 

Si Perez ay nagtapos ng kursong Nursing sa Unibersidad de Manila at nagtrabaho sa Justice Jose Abad Santos General Hospital simula noong Enero hanggang nitong Hunyo 2020.