Lumagpas ngayong Miyerkoles sa 200,000 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ang Department of Health ng 5,277 bagong kaso.
Mula sa kabuuang 202,361 kumpirmadong kaso, 65,764 ang active cases o iyong mga hindi pa gumagaling sa sakit.
Nakapagtala rin ang DOH ng 1,131 dagdag na recovered patients, dahilan para umabot sa 133,460 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa sakit.
Nadagdagan naman ng 99 ang naiulat na nasawi dahil sa COVID-19 kaya umabot sa 3,137 ang death toll.
Karamihan sa mga bagong kaso o 3,157 ay galing sa National Capital Region, base sa datos mula sa 95 operational testing laboratories.
Nauna nang sinabi ng grupo ng mga eskperto mula sa University of the Philippines (UP) na maaaring ma-flatten ang curve sa susunod na buwan.
Pero sa isang pahayag, sinabi ng DOH na masyado pang maaga para makita na gumagalaw ang datos tungo sa projection ng UP-OCTA Research.
"As for the trend in the number of COVID-19 cases reported for the past few days, it is still early to tell if this is moving towards the projection of UP OCTA team," sabi ng DOH.
Kung gusto talaga ng publikong ma-flatten ang curve, dapat umanong ituloy ang pagsunod sa minimum health standards.
Iginiit naman ni Guido David ng UP-OCTA Research, sakaling maranasan na ang pag-flatten ng curve, dapat pa ring bantayan ang pagkalat ng COVID-19 para matiyak na hindi na muling tataas ang bilang ng mga bagong magkakasakit.
Sa kabila naman ng inilabas ng Hong Kong University na nagsasabing nakumpirma nila ang unang kaso ng reinfection ng SARS-CoV2, nanindigan naman ang DOH na kulang pa ang ebidenisya para rito.
Ang SARS-CoV2 ang pangalan ng virus na nagdudulot ng karamdaman na COVID-19.
"Sana 'wag muna nating gamitin 'yong term ng reinfection because we do not have much evidence to say that it's really reinfection. Ang amin lang rekomendasyon o payo, wala po talagang immunity passport," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
"The antibodies that we develop when we become COVID-19 positive, it doesn't last long sa katawan natin. So 'yong possibility o probability na magkaroon tayo uli ay nandiyan lagi. Pero kailangan pa po natin ng mas maraming ebidensiya, mas sapat na ebidensiya na re-infection really exists," aniya.
Sa ngayon, tanging bakuna pa lang ang nakikitang malinaw na lunas kontra SARS-CoV2. Pero ayon sa DOH, wala pang naaaprubahan sa clinical trials para sa kahit anong bakuna.
Ang ginagawa pa lang umano sa ngayon ay mga negosasyon sa mga manufacturer at pamahalaan ng mga bansang nagsasabing handa silang tulungan ang Pilipinas.
-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, COVID-19, coronavirus disease, COVID-19 pandemic, Department of Health, University of the Philippines, UP-OCTA Research, flatten the curve, vaccine, TV Patrol, Raphael Bosano, TV Patrol Top