PatrolPH

Bangkay ng lalaking pugot ang ulo, natagpuan sa Parañaque

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2020 10:20 PM

MAYNILA - Natagpuan ang bangkay ng isang lalaking pugot ang ulo sa gilid ng ilog sa Sitio Maligaya sa Baclaran, Parañaque City Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa Parañaque City police, alas-5:30 ng hapon nadiskubre ng mga residente ang bangkay dahil sa masangsang na amoy. 

Nakasilid ito sa sako at nakabalot ng plastik. Nang iniakyat sa kalsada, laking gulat nila nang madiskubreng pugot ang ulo ng biktima. 

Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng biktima ngunit hinala ng mga residente, ito ang hinahanap na katawan ng pugot na ulo na natagpuan ring palutang-lutang sa ilog sa bahagi ng Electrical Road sa Pasay City.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang malaman ang pagkakakilanlan ng biktima at mga salarin sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.