PatrolPH

Bacolod humingi ng tulong kay Duterte dahil sa lumalalang sitwasyon sa mga ospital

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2020 02:27 AM

BACOLOD - Nagpadala ng sulat si Mayor Evelio "Bing" Leonardia kay Presidente Rodrigo Duterte para humingi ng tulong sa lumalalang sitwasyon sa mga ospital sa lungsod na ito dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.

Dagdag na 150 nurses, 20 mga doktor at 30 medical technologists mula sa Department of Health ang siyang hinihingi ng alkalde kay presidente.

Ayon sa ipinadalang sulat nitong Martes, marami sa mga medical staff sa iba't ibang ospital sa Bacolod ang nagpositibo sa COVID-19 at naka-isolate.

Mayroon din umanong mga nag-resign na o hindi na bumalik sa trabaho.

Bacolod humingi ng tulong kay Duterte dahil sa lumalalang sitwasyon sa mga ospital 1

Nasa 7 ang ospital sa Bacolod at 6 dito ay pribado.

Halos lahat ay hirap na rin tumanggap ng mga pasyente dahil sa pagka-puno ng bed capacities ng mga ospital dahil sa pagdami ng mga kaso na karamihan ay local transmission.

Kaya bilang emergency stop-gap measure ng lungsod, nagmamakaawa na ang alkalde sa ngayon na sana'y matugunan ni Duterte ang hiling na dagdag medical personnel sa Bacolod.

Samantala, dalawang inmate ng Police Station 3 sa lungsod ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Police Cpt. Richard Fajarito, commander ng Police Station 3, Agosto 12, nang inaresto ng mga awtoridad ang mga inmate, kasama ang 4 pang iba. 

Pero napag-alamang isa sa mga personnel ng mga operatiba ang nagpositibo sa naturang virus. Ayon kay Fajarito, agad na isinailalim ang 6 sa swab test. 

Martes ng umaga lumabas ang resulta at dalawa sa kanila ang nagpositibo sa COVID-19. 

Dinala sa isang quarantine facility ang dalawang inmate at ang operatiba. -- May ulat ni Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.