Duterte lumiban sa Heroes' Day rites dahil sa sama ng pakiramdam

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2019 04:14 PM | Updated as of Aug 26 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Hindi nakadalo nitong umaga ng Lunes si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng National Heroes' Day sa Taguig City dahil masama ang kaniyang pakiramdam, ayon sa kaniyang dating aide na si Sen. Christopher "Bong" Go.

Ayon kay Go, hindi maganda ang pakiramdam ni Duterte matapos magtrabaho ng hanggang pasado alas-4:30 ng madaling araw nitong Lunes.

"He is indisposed. Seventy-four years old na po si Pangulo at kailangan niya ring magpahinga... Ang dami namin lakad. Siya si Pangulo, ang dami niyang lakad," sabi ni Go sa paggunita ng National Heroes' Day sa Libingan ng mga Bayani.

Dagdag pa ni Go na galing ang pangulo sa Davao noong nagdaang weekend at hindi rin natapos ang kaniyang trabaho roon.

Sunod-sunod umano ang mga pulong ng pangulo, kabilang ang pulong nito kay Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari.

Pero sinabi ni Go na hindi dapat mabahala ang publiko sa lagay ng pangulo.

Humalili sa pangulo si House Speaker Alan Peter Cayetano, na nanguna sa flag ceremony at nag-alay ng bulaklak sa Tomb of the Unknown Soldier.

Sa isang pahayag, hinimok ng pangulo ang taumbayan na pagnilayan ang kabayanihan ng mga taong nagbuwis ng buhay para sa kalayaan at demokrasya.

Sinabi ng pangulo na puwede ring maging bayani ang mga tao sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.

"Let us make our forebears proud of our triumphs as a people by being everyday heroes who will reach out to those who are in need, especially to the ones who have been neglected by society," ani Duterte sa pahayag.

Watch more in iWant or TFC.tv

MGA GRUPO NAGKASA NG PROTESTA

Samantala, kasabay ng National Heroes' Day, nagmartsa ang libo-libong manggagawa bilang protesta sa hindi pa rin mawakasan na sistema ng "endo" at pang-aabusong nararanasan ng ilang manggagawang Pinoy.

Sa Mendiola, Maynila, ipinakita ng United Workers ang kanilang galit sa pamamagitan ng pagmaso sa mga effigy ni Pangulong Duterte hanggang sa ito ay masira.

"Pagtataksil sa kaniyang pangakong tatapusin niya ang kontraktuwal na eskema ng paggawa sa ating bayan," ani United Workers spokesperson Elmer Labog.

"Endo" at kontraktuwalisasyon ang tawag sa paulit-ulit na pagsailalim sa mga manggagawa sa iilang buwang kontrata lamang nang sa gayo'y hindi sila maging regular at magkaroon ng dagdag benepisyo.

Bukod sa mga manggagawa, nagprotesta din ang mga militanteng grupo at mga lider ng simbahan laban sa umano ay harassment at red-tagging sa mga kritiko ng pamahalaan.

Ayon sa mga grupo, paraan ito ng pamahalaan para patahimikin ang mga tumututol sa mga maling patakaran ng gobyerno. -- Ulat nina Pia Gutierrez at Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.