300 baboy kinumpiska, inilibing sa Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2019 03:16 PM | Updated as of Aug 26 2019 07:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA (UPDATE) - Kinumpiska ng veterinary office ng Antipolo, Rizal ang 300 baboy mula sa Barangay Cupang na agad din nilang inilibing ngayong Lunes. 

Ginawa ang hakbang matapos mamatay ang isang baboy na nagpakita ng sintomas katulad ng sa mga baboy na namatay dahil sa hindi pa natutukoy na sakit sa katabing bayan ng Rodriguez. 

Nasa 500 baboy na ang nakolekta at pinatay sa Barangay Cupang simula pa noong Biyernes.

Pero umalma ang ilang residente dahil ginawa ang hukay malapit sa mga kabahayan at nangangamoy na ang mga inilibing na baboy.

Pumalag din sila sa paraan ng pagpatay sa mga baboy. Anila, ilan sa mga biik ay isinako, inilibing nang buhay at inipit ng backhoe nang buhay. 

Hindi rin anila sapat ang P3,000 pangakong ayuda ng Department of Agriculture dahil nasa P15,000 hanggang P18,000 ang halaga ng mga inahing baboy.

Umalma rin ang grupong Animal Kingdom Foundation sa hindi tamang proseso ng pagpatay sa mga baboy.

Una nang inanusiyo ng DA na iniimbestigahan nito ang pagkamatay ng baboy sa ilang backyard farm. 

Ilan sa karaniwang sakit ng baboy ay hog cholera, foot and mouth disease, at African swine fever (ASF).

Simula Agosto 2018, ipinagbawal ng Department of Agriculture ang pag-angkat ng karneng baboy mula sa mga bansang apektado ng ASF.

Pina-recall na rin ang mga processed pork product sa mga bansang tinamaan ng ASF. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.