PatrolPH

3 patay sa amok ng sekyu sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2019 05:23 PM | Updated as of Aug 27 2019 12:04 AM

MAYNILA (2nd UPDATE)—Tatlong tao ang nasawi matapos magwala ang isang dating security guard sa Barangay C.A.A. – B. F. International, Las Piñas City, ayon sa pulisya. 

Dalawang tao ang nasaksak bago paputukan at mapatay ang lalaki. 

Pasado alas-2 ng hapon nang mag-amok umano si Reynante Fulgencio sa isang bahay sa BF International.

Una raw pinagsasaksak ni Fulgencio ang kapitbahay na si Dan Cecil Bilog at sinunod ang kaniyang stepson na si Reniel Nonato.

Nakipag-inuman si Fulgencio kasama ang mga kaibigan bago mangyari ang insidente, ayon sa pulisya.

Nang malasing, pumasok umano si Fulgencio sa kaniyang bahay saka kumuha ng 2 kutsilyo at sinaksak si Bilog habang nagde-deliver ito ng gasul.

Matapos saksakin si Bilog, pinasok ni Fulgencio ang kuwarto ni Nonato at sinaksak ang stepson bago nagkulong.

Halos isang oras tumagal ang negosasyon ng mga awtoridad kay Fulgencio.

Nang hindi lumabas, pinaputukan ang suspek.

Naisugod ang 3 tao sa ospital pero idineklara ring dead on arrival.

Hindi pa alam ng mga awtoridad ang motibo ni Fulgencio.—Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.