Rehabilitasyon ng Marawi, target simulan bago matapos ang 2018

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2018 11:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Target simulan ang rehabilitasyon ng Marawi bago matapos ang 2018, ayon sa Armed Forces of the Philippines. 

Ayon kay AFP spokesperson Col. Edgard Arevalo, kinakailangan munang masegurong wala nang nakalatag o nakabaong unexploded ordnance, improvised explosive devices, booby trap at iba pa. Ito ay bago pa man ang hamon ng reconstruction at rehabilitasyon sa main battle area ng Marawi. 

Tinanggal na rin daw ang 90 porsiyento ng pampasabog na itinanim ng Maute group noong kasagsagan ng bakbakan sa Marawi. 

"Hindi ito parang kamote na nakabaon sa lupa, na huhukayin lang natin ng kamay o kaya ng equipment," paliwanag niya. 

Maaari pa raw magdulot ng problema kung sinimulan rehabilitasyon na mayroon pang nakatanim na pampasabog sa lugar, kaya kinakailangang tanggalin muna ang mga pampasabog. 

Ang pagtatanggal sa naturang mga pampasabog ay para aniya sa kapakanan ng safety engineers, mga residente, at iba pa na babalik at tutulong sa rehabilitasyon. 

Inamin ni Arevalo na mahirap na proseso ito kaya wala pang maibigay na timeline, pero sinegurong hindi tumitigil ang mga awtoridad sa pag-clear ng Marawi upang masimulan na ang reconstruction at rehabilitasyon nito. 

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.