Pulis namaril ng aso ng ka-barangay sa Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2018 03:42 PM | Updated as of Aug 28 2018 11:49 PM

Nahaharap sa kaso ang isang pulis matapos umanong barilin ang aso ng kaniyang ka-barangay sa San Pablo City, Laguna. 

Kuwento ni Lamberto Alvarez, pinagluto pa niya ng sardinas na inutang sa tindahan ang aso na si Brown bago niya matagpuan ang alaga na duguan ang ulo at wala nang buhay sa kaniyang bakuran sa Barangay Sto. Cristo nitong Agosto 18. 

Nang tingnan ang kuha ng CCTV, nakumpirma niyang ang pulis na si Insp. Freyr Tenorio ang bumaril sa aso. 

Kinasuhan ng paglabag sa Animal Welfare Act ang pulis nitong Martes. 

Dumipensa naman si Tenorio na dadambahan sana siya ni Brown kaya niya ito binaril. Idiniin din niyang ginagamit lamang ang insidente para pagkakitaan siya ng pera ni Norman Marquez, isang animal welfare advocate na tumulong sa pagsasampa ng kaso. 

Banta ng pulis, kakasuhan niya ng perjury ang mga complainant. Inihahanda na rin daw niya ang counter-affidavit ng mga umano'y dati nang nakagat ni Brown. 

Itinanggi naman ni Marquez ang mga akusasyon ng pulis. Aniya, "Siya naman po ang nakasuhan kaya hindi naman tayo magtataka sa kanyang credibility para sabihin 'yan." 

Nakatalaga si Tenorio sa health service unit ng Eastern Visayas police sa Palo, Leyte. May training siya sa Cavite kaya kasalukuyang umuuwi sa Laguna. 

— Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.