PatrolPH

22,000 sako ng smuggled na bigas, nasabat sa Basilan

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2018 08:16 PM

MAYNILA- Nasabat ng Philippine Coast Guard nitong Linggo ang 22,000 sako ng smuggled na bigas sa Basilan.

Nagpapatrolya umano ang mga miyembro ng Coast Guard lulan ng BRP Cape San Agustin nang mamataan ang M/L Overseas na may dalang 10,000 sako ng bigas sa may Tamuk Island.

Wala umanong mga dokumento ang nasabing mga sako ng bigas.
 
Makalipas lang ang ilang minuto ay namataan naman ang M/L Nadeepa na may dalang 12,000 sako ng bigas na wala ring kaukulangang dokumento at hinihinalang galing ng Malaysia.

Kinumpiska ang dalawang vessel at dinala sa Zamboanga City Port habang nasa kustodiya na ng awtoridad ang mga bigas.

Nakuha ang mga smuggled na bigas sa gitna ng krisis sa bigas sa ilang lugar sa Mindanao gaya ng Basilan, Zamboanga City, Sulu at Tawi-Tawi.

Ayon sa Department of Agriculture, isang dahilan ng kakulangan ng bigas sa mga nasabing lugar ay ang paghihigpit ng mga awtoridad laban sa smuggling sa Malaysia na karaniwang pinagkukunan ng suplay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.