Higit P5M halaga ng hinihinalang shabu, nasabat sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 04:57 PM

MANILA - Higit P5 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa buy-bust operation sa Barangay 61, Pasay City Biyernes ng gabi. 

Arestado ang mag-live in partner na sina Arnel Tesoro at Moana Jasmine Mina, pati ang dalawang sinasabing kasamahan nila sa pagtutulak ng droga.

Nakuha sa kanila ang lampas isang kilong timbang ng umano'y shabu na P5.5 milyon ang halaga. May nakuha ring mga dahon ng marijuana at drug paraphernalia.

Todo-tanggi naman si Tesoro alyas 'Lucky' na kanya ang drogang nasabat sa kanyang bahay.

Napag-alaman ding dating nakatira sa bahay nito ang kapatid niyang nakulong na dahil sa pagtutulak ng droga. 

"Pinadala ako ng mga kapatid ko para ako tumingin sa bahay namin. Gawa po ng kapatid ko ay nahuli. 'Yong asawa niya, 'di namin alam, meron pala doon itinatago dahil naka-lock 'yung pinto nila lagi. Kahit i-drug test ako, negative ho," depensa ni Tesoro.

Para naman sa Southern Police District, ang mga nahuli ang sinasabing nagpapatuloy sa pagtutulak ng droga.

"Sila 'yong nagpatuloy ng pushing na 'to gamit itong mismong bahay nila. Di naman depensa 'yong paggamit kasi maraming nagtutulak na hindi gumagamit ng droga," ayon kay Chief Insp. Jerry Amindala ng SPD Drug Enforcement Unit.

Nabigla naman ang barangay chairman dahil nasa likod lang ng barangay hall ang bahay na ginagawa umanong drug den. 

Sa laki ng halaga ng drogang nasabat, hindi na maaaring makapagpiyansa ang mga suspek. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.