Bagyong 'Jolina', nag-iwan ng pinsala sa hilagang bahagi ng Luzon

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 09:50 PM | Updated as of Aug 27 2017 01:24 AM

Hinagupit ng bagyong "Jolina" ang hilagang Luzon nitong Biyernes at nagdulot ito ng landslide sa Ifugao, habang hindi madaanan ang ilang tulay sa Isabela at Quirino.

Pasado alas-9 ng gabi nitong Biyernes nang magsimulang maramdaman ang bagyong "Jolina" sa probinsya ng Quirino.

Nakadapa ngayon ang ilang pananim na mais matapos ang pabugso-bugsong ulan na sinabayan pa ng hangin.

Umapaw din ang ilog hanggang sa tulay sa Barangay Manglad sa bayan ng Maddela kaya nagbangka na ang ilang residente.

Nagpakawala naman ng tubig ang Casecnan Dam sa bayan ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya, na naging dahilan ng pag-apaw din ng tubig sa tulay sa Barangay San Pedro.

Sa Isabela, nagpakawala rin ang Magat Dam ng 398 cubic meters ng tubig per second o katumbas ng halos 2,000 drum ng tubig.

Kasunod nito, umapaw ang tubig at hindi madaanan ang mga tulay ng Gucab, Annafunan, at Alicaocao.

Pinayuhan din ang mga residente na maghanda sa posibleng pagbaha dahil bumababa sa Isabela at Cagayan ang tubig mula Quirino at Nueva Vizcaya.

Nagka-landslide naman sa Upper Pitawan, Oong sa Ifugao pero agad ding nagsagawa ng clearing operation kaya nadadaanan na ang isang lane ng kalsada.

Binuksan na ang Kennon Road sa Benguet pero pinapayuhan pa rin ang mga motorista na dumaan sa Marcos Highway o Naguilian Road papuntang Baguio City. Pinayagan na ring bumiyahe ang mga bus.

Sa Kalinga, pinayuhan na ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council ang mga residente ng Tullao, Calanan sa Tabuk na lumikas dahil sa posibleng pagtaas ng tubig sa Chico River.

Sa kabuuan, umabot na sa 60 pamilya ang apektado ng bagyo sa rehiyon ng Cordillera. Wala pa ring kuryente sa dalawang bayan sa Ifugao.

Sa Ilocos Norte, nakatengga pa rin ang mga mangingisda para iwas-peligro.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.