AFP, patuloy ang atake sa war zone para matugis ang Maute group

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2017 12:20 AM

Matapos tuluyang mabawi ng militar ang Islamic Center sa main battle area, patuloy ang kanilang atake para matugis ang Maute group sa mga nalalabing gusali.

Walang puknat ang matinding bakbakan sa main battle area kahit gabi nitong Biyernes at kita ang malakas na pagsiklab ng apoy sa ilang istruktura kasunod ng mga putok na narinig sa paligid.

Matapos makatakas sa Islamic Center, lumipat na umano ang mga Maute sa ibang mga gusali sa war zone.

Tinatayang nasa 40 hanggang 60 na lamang ang mga miyembro ng Maute na nakikipagbakbakan sa militar.

“Napilitan silang i-vacate at mag-consolidate sila sa iisang lugar… Days na lang sinasabi natin dito,” ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año.

Patuloy naman ang suporta ng mga kapwa sundalo at naglunsad sila ng fun run kahit pa may banta ng bagyo, para ipakita ang suporta sa mga sundalong direktang nakikipaglaban sa Marawi. 

“Nakakataba ng puso talaga… Kapag nalalaman nilang ganitong may mga activity para sa kanila, lalo silang tumatapang,” ani Año.

Dagdag pa ni Año, hindi sila magiging kampante kahit ramdam nilang malapit na ang pagtatapos ng krisis.

Bagama't nakatuon ang atensiyon sa giyera sa Marawi, siniguro rin ng AFP na hindi apektado ang iba pang operasyon ng militar sa iba pang lugar gaya ng sa Sulu at Basilan. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.