7 nagkatay ng manok sa Pampanga, negatibo sa bird flu

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 03:21 PM | Updated as of Aug 26 2017 07:29 PM

Negatibo sa H5N6 virus ang pitong nagkakatay ng manok sa San Luis, Pampanga na nakitaan ng ilang sintomas ng bird flu.

Lumabas sa pagsusuri na negatibo sila sa bird flu virus matapos ma-isolate ng dalawang araw sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital.

Ayon sa spokesperson ng avian influenza ng ospital, na-discharge na nitong Sabado ang pitong pasyente matapos makumpirmang negatibo sa virus.

Nauna nang kinuhanan sila ng swab samples at ipinadala ito sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kung saan napag-alaman na negatibo ito sa H5N6 strain ng avian influenza. 

Ayon naman sa Department of Health, wala pa silang bagong kasong tinututukan na tila may sintomas ng bird flu. Wala ring kumpirmadong kaso ng bird flu sa tao sa bansa.

Inilagay na rin sa "heightened status" ang mga ospital ng DOH gaya ng sa San Lazaro, Manila Lung Center, at maging ang RITM na handa rin aniya na tumanggap ng "samples" upang sumuri sa mga posibleng kaso ng sakit.

Pinaalalahanan din ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial ang mga nagkaroon ng direktang kontak sa mga apektadong ibon at nakararanas ng mga sintomas ng trangkaso gaya ng lagnat, ubo, sipon at pananakit ng kasu-kasuan na magpunta sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) at makipag-ugnayan sa pinakamalapit na medical center ng ahensiya.

Samantala, natapos na rin nitong Biyernes ang culling activities kung saan halos 300,000 ang kinatay sa Pampanga at Nueva Ecija.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.