3 tulay sa Quirino at Isabela, hindi pa madaanan

ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2017 08:51 PM

Mahigit limang oras din na nakaapekto ang bagyong Jolina sa lalawigan ng Quirino at Nueva Vizcaya Biyernes ng gabi.

Kalbaryo ang iniwan ng bagyo sa ilang taga-Quirino dahil hindi ngayon madaanan ang tulay ng Manglad sa bayan ng Maddela matapos umapaw ang ilog. 

Bagama’t bumaba naman ang tubig sa ilog sa Barangay San Pedro at nadaraanan na ito, nag-aalala ang mga residente sa posibilidad na muling lumaki ang tubig at umapaw sa tulay kapag magpakawala ng tubig ang Casecnan Dam sa bayan ng Alfonso Castañeda sa Nueva Vizcaya.

Inilikas naman ang 11 pamilya sa Cabarroguis, Aglipay at Saguday dahil sa banta ng pagbaha.

Wala namang naitalang landslide sa Nagtipunan pero pinag-iingat pa rin ang mga residente at mga motorista na papuntang Aurora province lalo't madulas pa rin ang daan. 

Sa ngayon, nag-iikot na ang Rapid Assessment Team ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council para kumuha ng mga datos ng pinsala ng bagyong Jolina. 

Sa Nueva Vizcaya, inilikas ang anim na pamilya sa Barangay Mabasa, 24 indibidwal sa Dupax Del Sur at 13 pamilya sa Barangay San Geronimo, Bagabag. Pero anumang oras ay inaasahan na sila ay pababalikin na rin sa kanilang mga tahanan.

Wala pa namang naitatalang pagbaha o pagguho ng lupa at nadaraanan pa ang mga pangunahing kalsada, at maayos ang linya ng komunikasyon pati na suplay ng kuryente. 

Samantala, hindi man direktang tinamaan ay ibayong pag-iingat pa rin ang ipinapayo sa mga taga-Isabela at Cagayan sa posibilidad ng pag-apaw ng mga ilog. Inaasahan na dito bababa ang tubig mula Nueva Vizcaya at Quirino, dagdag pa ang pinakakawalang tubig ng Magat Dam. 

Pinakahuling pagpapakawala ng tubig ng Magat dam ay nitong Sabado ng umaga. Sa advisory, 398 cubic meters per second o katumbas ng halos dalawang libong drum ng tubig ang pinakawalan dito.

Sa ngayon, wala pa namang naitatalang pagbaha maliban sa dalawang tulay sa Echague, ang Annafunan at Gucab Bridge, na hindi madaanan matapos sapawan ng ilog. 

Nagsibalikan na rin sa kanilang mga bahay ang mga residenteng inilikas kagabi mula sa coastal towns. 

Ibinalita naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Cordillera Administrative Region na nananatiling sarado pa rin sa trapiko ang mga sumusunod na national roads dahil sa pagguho ng lupa:

- Banaue, Mayoyao, Alfonso Lista, Isabela Boundary Road sa Ifugao
- Ubao, Taang Road sa Aguinaldo, Ifugao
- Tabuk, Banaue Road Dumanay Section, Tanudan sa Kalinga

Samantala, madaraanan na ang Kennon Road sa Baguio City pero hinihikayat pa rin ang mga motorista na humanap ng alternatibong daan para sa kanilang kaligtasan.

Wala nang nakataas na storm signal sa anumang bahagi ng bansa Sabado ng hapon matapos daanan ng bagyo ang hilagang Luzon nitong Biyernes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.