Poste ng linya ng solar power plant, pinasabog

Randy Menor, ABS-CBN News

Posted at Aug 26 2016 05:58 PM

Randy Menor, ABS-CBN News

CURRIMAO, Ilocos Norte - Nabutas ang paanan ng isang poste sa bayang ito nang pasabugin ng hindi kilalang tao.

Ang nasabing poste, na pagmamay-ari ng Soleq Philippines Inc., ang dinadaluyan ng kuryente mula sa solar power plant sa nasabing bayan.

Sa pag-imbestiga ng mga pulis, kanilang nakita na gumamit ang di pa nakikilalang tao ng mahinang klase ng pagpapasog, kaya’t nabutas lamang ang bahagi ng poste at hindi ito bumagsak o nasira.

Ayon kay Currimao Police Chief Ryan Retorar, hinihinala nila na hindi ito kagagawan ng anumang organisadong grupo.

Dahil hindi malinaw ang motibo sa pagpapasabog, tinitingnan nila umano kung may koneksyon ito sa pananakot, o kung may taong galit sa nagmamay-ari ng solar power plant.

Matatandaang may mga nauna nang reklamo na umano'y may mga nagtrabaho sa nasabing proyekto na hindi pa nababayaran o kaya may personal na galit sa may-ari.

Ipinasigurado ng pulisya na pahihigpitan nila ang seguridad sa mga pasilidades ng solar power plant na itinuturing na isa sa mga pinakamahahalagang istruktura sa Ilocos Norte.

Naipatayo noong nakaraang taon ang nasabing solar power plant na may pondo na USD37 million. Kaya nitong maka-generate ng 20 megawatts na kuryente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.