PatrolPH

Presyo ng asin tumaas pero walang shortage, ayon sa DTI

ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2022 06:49 PM

ABS-CBN News
Umaani ng asin ang isang magsasaka sa Kawit, Cavite. ABS-CBN News/File

MAYNILA - Tumaas na ang suggested retail price (SRP) ng asin, ayon sa mga awtoridad. 

Sa harap ito ng pagtaas ng presyo ng ilang bilihin gaya ng asukal. 

Ayon sa bulletin ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Agosto 12, nasa P29 na ang kada kilo ng iodized salt mula sa dating P25.75. Ang iodized rock salt, nasa P14.50 na ang kalahating kilo o 500g mula P11.25. 

Pero nilinaw ng DTI na walang shortage at napapanahon lang ang pagtaas ng presyo dahil mahigit 5 taon na mula nang huling magtaas ang presyo nito. 

"Mayroon talaga tayong in-allow na magtaas ng presyo ng asin. Kaya lang kailangan maintindihan natin na itong mga manufacturers na ito sobrang tagal nang hindi nagtataas ng presyo, umabot na ng 4, 5, 6 years bago sila nag-request ulit," ani DTI Undersecretary Ruth Castelo. 

Ayon kay Castelo, sapat pa naman ang suplay ng asin sa mga pamilihan. 

Nauna nang sinabi ni Department of Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na tututukan niya ang pagpapataas ng produksiyon ng lokal na asin sa bansa ngayong marami sa asin ay imported. 

Inihain naman ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo ang House Bill 1976 na layong palaguin ang produksiyon ng asin sa bansa. 

Ayon sa panukala, 550,000 metric tons o 93 porsiyento ng pangangailangan ng asin sa bansa ay inaangkat mula sa ibang bansa na "kabalintunaan," lalo't napapalibutan ng mga dagat ang bansa na maaaring gamitin sa malakihang produksiyon ng asin. 

Nanawagan naman ang ilang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tumatayong Agriculture Secretary na tugunan ang lumalalang krisis ng pagkain sa bansa. 

"Tayo ang pinaka-walang seguridad sa pagkain sa buong mundo. Kung may krisis sa pagkain, paano na gagawin para makaalpas ang agriculture para maabot ang sufficiency," ani Paeng Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.