PatrolPH

Nova Princess Parojinog nakatakdang ilipat sa Taguig City Jail matapos ang quarantine

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Aug 25 2021 10:09 PM

MAYNILA - Dinala nitong Miyerkoles sa Payatas Quarantine Facility ang dating vice mayor ng Ozamis City na si Nova Princess Parojinog-Echavez para sumailalim sa quarantine bago ilipat sa Taguig City Jail.

Naaresto si Parojinog-Echavez noong July 30, 2017 dahil umano sa pangangalaga ng kanilang pamilya ng mga hindi lisensyadong armas at dahil din sa pagkakasangkot sa bentahan ng ilegal na droga. 

Napatay ang mga magulang ni Nova sa operasyon ng mga pulis noong araw na iyon pero siya ay naaresto kasama ang mga kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr. at Ricardo Parojinog.

Nakapiit si Nova sa Camp Crame at ayon kay Jail Insp. Midzfar Omar, nagbaba na ang korte nitong Miyerkoles ng commitment order na ililipat na sya sa Quezon City Jail. 

Bilang bahagi ng protocol, bago ilipat sa BJMP jail facility ang isang inmate ay kailangan munang sumailalim sa 14 na araw na quarantine kaya dinala na si Nova sa Payatas quarantine facility. 

Pero dagdag ni Omar, kaninang hapon ay nagbaba ng panibagong commitment order ang korte kung saan nakasaad na sa Taguig City Jail na ililipat si Nova. 

May quarantine facility din sa Taguig para sa mga inmate na kailangan dalhin doon pero dahil nadala na sa Payatas si Nova, doon na siya magka-quarantine saka ililipat sa Taguig City Jail. 

Tiniyak naman ng BJMP NCR na ligtas at maayos ang kalagayan ni Nova sa Payatas quarantine facility at binabantayan sya ng jail officers.

Bukas ng 8:30 ng umaga ay magkakaroon ng management conference ang BJMP NCR at kasama sa tatalakayin nila ang quarantine at paglipat ni Nova sa Taguig City jail.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.