Larawan mula sa Philippine Army 103rd Brigade
MARAWI— Higit 1,700 na indibidwal ang lumikas mula sa ilang bayan sa Lanao del Norte at Lanao del Sur matapos ang magkakasunod na engkuwentro ng militar at Dawlah Islamiyah sa boundary ng mga probinsiyang ito ngayong buwan.
Noong Agosto 16 unang nagkasagupaan ang Dawlah Islamiyah at militar, at nasundan ito noong Agosto 19 at Agosto 21.
Nakuha ng mga militar ang iba-ibang uri ng explosive at personal na mga gamit ng grupo sa bayan ng Madalum, Lanao del Sur. May bakas rin ng dugo sa pinagtaguan ng grupo.
Ayon kay Philippine Army 103rd Brigade Commander Gen. Jose Maria Cuerpo, hindi na nila itinigil ang pagtugis sa bandidong grupo matapos isumbong ng mga sibilyan na nagpapabili ng pagkain ang mga ito.
Tinatayang nasa 30 miyembro ng Dawlah Islamiya ang nakasagupa ng militar. Ilan rito ay kasamang umatake sa Marawi siege noong 2017.
Ayon kay Cuerpo, sapilitan na rin silang mag-recruit ng miyembro ngayon.
"Pinupuntahan nila 'yung mga bata sa bukid, pinapadala ng mga gamit at pagkain nila. Hindi na nila ito pinakakawalan. Tinatakot nila," aniya.
Base raw ito sa sumbong sa kanila ng mga sumukong miyembro ng Dawlah Islamiyah matapos ang operasyon nila rito noong Ramadan.
Kasalukuyang nakituloy sa mga kaanak ang mga bakwit habang ang iba naman ay nasa mga municipal gymnasium ng Tangcal sa Lanao del Norte at Bayabao sa Lanao del Sur.
Takot pa rin umano silang bumalik sa kanilang mga tahanan dahil nagpapatuloy ang pagtugis ng militar sa mga militante.
— Ulat ni Roxanne Arevalo
KAUGNAY NA ULAT
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news, Dawlah Islamiya, Philippine Army, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Marawi Siege